Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umakyat sa 2.59 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o hanapbuhay noong Hulyo 2025, mula sa 1.95 milyon noong Hunyo.

Ayon kay PSA chief Claire Dennis Mapa, ang pagtaas ng unemployment rate sa 5.3% ay bunsod ng mga malalakas na bagyo at sama ng panahon na nakaapekto sa iba’t ibang sektor ng paggawa, lalo na sa agrikultura, konstruksyon, at turismo.

Bumaba rin ang bilang ng mga may trabaho sa 46.05 milyon, mula sa 50.47 milyon noong nakaraang buwan, habang bumaba ang labor force participation sa 48.64 milyon.

Nagbabala naman si Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na kailangan ng mas pinaigting na mga hakbang para gawing mas matatag at handa ang ekonomiya at lakas-paggawa ng bansa laban sa epekto ng klima.

Binanggit niya ang pangangailangan para sa modernisasyon ng sektor ng agrikultura, pagpapalawak ng imprastruktura sa kanayunan, at pagpapabuti ng digital connectivity.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na mahalaga ring tutukan ang pagpapaikli ng school-to-work transition ng kabataan, at palakasin ang mga employment programs tulad ng JobStart at Government Internship Program upang matugunan ang job-skills mismatch at mapaghanda ang mga Pilipino para sa nagbabagong ekonomiya.