Nasawi ang isang binata matapos na makuryente habang natutulog sa kanyang silid nang pasukin ng baha ang kanilang bahay dulot ng 4.9 talampakang high tide, nitong Huwebes sa Barangay San Isidro, Hagonoy, Bulacan.

Kinilala ang biktima sa pangalang “Ato”, isang motorcycle rider at residente ng nasabing barangay.

Sa Facebook post ng mga kaanak at malalapit sa biktima, kasalukuyan umanong nagpapahinga si Ato nang biglang pumasok ang tubig-baha sa kanyang kuwarto at maabot ang extension wire na nakakonekta sa isang active electrical source.

Sinabi ng mga kaanak ng biktima, bagamat masakit ang pangyayari, tanggap nila ang nangyari at wala silang sinisisi sa insidente.

Gayonpaman, sinabi nilang umaasa sila na magsilbi itong paalala at matawag ang pansin ng mga kinauukulan upang mabigyan ng solusyon ang matagal nang problema sa pagbaha sa kanilang lugar, na nararanasan din kahit panahon ng tag-init.

-- ADVERTISEMENT --

Umaapela din ang mga residente ng nasabing lugar sa kanilang local government unit na magpatupad ng agarang aksyon at bumuo ng pangmatagalan na mga hakbang laban sa baha upang maiwasan na maulit ang nasabing insidente.