
Magkakaroon ng tax audit ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kina Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawa na si Manases “Mans” Carpio, kasama ang siyam na kumpanyang konektado sa kanila.
Ayon sa BIR, maglalabas sila ng letters of authority para suriin ang buwis ng mga ito. Batay ito sa impormasyong galing sa mga opisyal at pampublikong rekord, kabilang ang ulat mula sa Office of the Ombudsman at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na inilabas sa impeachment hearings sa House Committee on Justice.
Sinabi rin ng BIR na ang audit ay bahagi ng tungkulin nila para matiyak kung tama ang binabayarang buwis ng mga taxpayer. Hindi pa ito nangangahulugan ng may pananagutan, kundi unang hakbang pa lang ng imbestigasyon.
Kabilang sa mga kumpanyang isasailalim sa audit ang Carpio Lawyers, Zelta Matiem Salon, City Hall King Chow Foods Corporation, Davao Bounty Times Foods Corporation, Madayaw Fisheries Inc., Davao Emerging Taipans Corporation, Amianan Shores Inc., Cale88 Foods Corporation, at Geometry Security and Investigation Agency Inc.
Hinihintay naman ang pahayag ng kampo nina VP Sara Duterte at Mans Carpio ukol dito.









