TUGUEGARAO CITY-Nagpaliwanag ang Bureau of Internal Revenue Cagayan-Batanes kaugnay sa mga reklamo na pabalik-balik sa tanggapan para sa kanilang mga kailangan na ilakad na mga papeles.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inamin ni Reymarie Dela Cruz, Revenue District Officer na may mga ganitong insidente dahil sa problema sa kanilang internet connectivity.
Ayon sa kanya, nagkakaroon umano ng problema ang kanilang internet provider.
Sinabi niya na kinausap na niya ang kanilang IT department at iba pang may kaugnayan dito upang gumawa ng paraan para sa maayos na transaction sa kanilang opisina.
Iginiit ni Dela Cruz na wala sa kanilang kontrol kung lagi silang offline.
Nagpaliwanag din si Dela Cruz sa reklamo na guwardiya ang humaharap sa mga kliente.
Sinabi niya na hindi sila nagpapasok ngayon sa kanilang tanggapan bilang pag-iingat sa covid-19.
Ayon sa kanya ang mga pinapapasok ay ang mga dating may appointment habang ang mga tinatawagan at tinetext ay dahil sa ipinapatupad nila ang no contact transactions.
Kaugnay nito, sinabi niya na may binubuo na silang mga plano para matugunan ang mga nasabing problema na posibleng ipatutupad sa susunod na linggo.
Kabilang na dito ang pagkakaroon ng drop box system kung saan iiwan dito ang mga dokumento na nakaselyo sa envelope, nakalagay ang pangalan ng may-ari at ang contact number at kung ano ang kailangan na gawin sa mga nasabing dokumento.
Maari din na direktang makipag-ugnayan sa kanila sa kanilang FB page o sa kanilang e-mail at dito ihayag ang kanilang mga concerns at ang pangatlo ay ilulunsad nila ang e-appointment.
Ibig sabihin, huwag munang pumunta sa BIR kung walang appointment.
Idinagdag pa ni Dela Cruz na para naman sa mga may deadline o naabutan ng deadline ng kanilang bayarin sa BIR ay una na silang nagbigay ng mga abiso dahil may online platforms para isumite ang mga papeles na kailangan at kanilang bayad.
Subalit kung ang ang mga naabutan ng deadline dahil sa maaaring pagsasara ng mga bangko ay maaari siyang lapitan para sa kaukulang tulong.
Gayonman, sinabi ni Dela Cruz na hiniling na nila sa kanilang central office na magkaroon ng extension ng mga deadlines dahil naging abala din sa kanilang mga kliente ang umiiral na community quarantine dahil sa covid-19.