Pumanaw na sa edad na 82 nitong Sabado ang Bise Presidente ng Socorro Bayanihan Services Inc. na si Mamerto Galanida.
Ang kanyang pagkasawi ay dulot ng ilang medical complications at kanyang matandang edad.
Si Galanida ay nagsilbi ng tatlong termino bilang alkalde ng Socorro at dati ring miyembro ng provincial board ng Surigao del Norte.
Maalala na ang Socorro Bayanihan Services Inc. ay naugnay sa kontrobersiya matapos ang imbestigasyon sa Senado noong Setyembre 2023, kung saan isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros sa kanyang privilege speech na isang kulto ang grupo na sangkot sa forced marriage ng mga menor de edad, human trafficking, sexual violence, at financial extortion.
Inakusahan si Galanida ng ilang ilegal na aktibidad sa Socorro, base sa mga testimonio ng dating miyembro at biktima.
Si alyas “Senior Agila” o Jey Rence Quilario, na pangulo ng Socorro Bayanihan, kasama ang labingdalawang iba pa, ay una nang sinampahan ng DOJ ng kriminal na mga kaso sa korte ng Surigao.