Sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Catanduanes ang lahat ng biyahe-dagat papasok, palabas at daraan sa lalawigan dahil sa banta ng Tropical Depression Luis.

Ayon sa Coast Guard, ipinagbabawal ang paglalayag ng lahat ng uri ng sasakyang-pandagat anuman ang laki nito, maliban kung maghahanap lamang ng ligtas na masisilungan.

Nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Catanduanes kung saan inaasahan ang hanging may bilis na 39 hanggang 61 kilometro kada oras.

Inilagay na rin ng Coast Guard sa full alert ang kanilang mga Deployable Response Group upang agad na makatugon sa anumang insidenteng may kaugnayan sa masamang panahon.

Huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Luis bandang alas-10 ng umaga sa layong 400 kilometro silangan ng Infanta, Quezon.

-- ADVERTISEMENT --

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna, may pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras, at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.