Tuguegarao City- Hihigpitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cataggaman ang pagpapatupad ng precautionary measures sa mga dadalaw sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Ito ay bahagi ng ginagawang pag-iingat kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa Panayam ng Bombo Radyo kay Jail Senior Inspector Angelito de Laza, Asst. Warden ng BJMP Cataggaman, wala pa umano silang natatanggap na memorandum order kaugnay sa pansamantalang pagbabawal sa pagbisita ng mga kaanak sa mga PDL sa loob ng BJMP.
Nilinaw nito na maaari pa ring bumisita ang mga kaanak ng mga PDL ngunit kinakailangang dumaan sa mga pagsusuri bago papasukin sa loob ng naturang tanggapan.
Sa ngayon ay naglagay na aniya sila ng mga sanitizing kits sa labas ng kanilang tanggapan upang makaiwas sa naturang virus.
Sinabi pa ni Adelata na maaayos ngayon ang kalusugan ng mga PDL sa loob base na rin pagsusuri na ginawa ng mga nakatalagang medical personnel sa naturang piitan.
Sa ngayon ay hinihintay aniya ng BJMP ang thermal scanner na gagamitin sa pagsusuri sa mga pumapasok sa loob ng bilanguan.
Nabatid na mayroon 197 na mga PDL ang nakakulong sa loob ng BJMP Cataggaman.