TUGUEGARAO CITY-Nagsasagawa na ng clearing operations ang mga otoridad sa mga landslide sa mga daan sa Kabugao, Apayao upang marating ang lugar kung saan natabunan at namatay sina Board Member Tolentino Mangalaw at kanyang security na si Patrolman Romel Bumidang.
Sinabi ni Congressman Elias Bulut ng Apayao na hindi accessible ang mga daan papunta sa Brngy. Dibagat, Kabugao kung naroroon ang mga biktima.
Ayon kay Bulut, batay sa impormasyon na ibinigay sa kanya ng mga otoridad, papunta sana sa isang pulong si Mangalaw sa barangay kung saan kapitan ang kanyang kapatid sa Brngy. Namantugan sa Calanasan.
Subalit dahil sa mga landslide ay nagpalipas ang mga ito ng gabi sa isang bahay sa Kabugao kung saan nagkaroon ng landslide at natabunan sila habang sila ay natutulog.
Samantala, sinabi ni Bulut na unsual ang baha na nararanasan ngayon sa malaking bahagi ng Apayao dahil sa limang araw na walang tigil na buhos ng ulan.
Ayon sa kanya, lahat ng low lying areas sa Apayao ay binabaha.
Gayonman, sinabi niya na wala pa siyang eksaktong bilang ng mga evacuees dahil kasalukuyan pa ang ang rescue operations.