
Kinilala ang Bombo Radyo Philippines bilang Best Radio Network sa prestihiyosong Pro Patria Journalism Awards ng Rotary Club of Manila.
Iginawad ang pagkilala sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 11 sa Makati City, kung saan tumanggap din ang Bombo Radyo Philippines ng dalawang plake ng pagkilala, kabilang ang Radio Station of the Year award.
Ayon sa Rotary Club of Manila, kinilala ang Bombo Radyo dahil sa matagal nang paghahatid nito ng mapagkakatiwalaang balita, impormasyon at serbisyong publiko sa mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa.
Binigyang-diin din sa citation ang mahalagang papel ng network sa pagbibigay ng napapanahong impormasyon sa panahon ng kalamidad, sakuna at iba pang emergency situations.
Ang Pro Patria Journalism Awards ay isa sa mga pinakarespetadong pagkilala sa larangan ng pamamahayag sa bansa na nagbibigay-pugay sa mga mamamahayag at media organizations na nagtataguyod ng katotohanan, demokrasya, patriotismo at responsableng pamamahayag.
Sa mahigit anim na dekada ng paglilingkod, patuloy na pinagtitibay ng Bombo Radyo Philippines ang misyon nitong maghatid ng tapat na balita, matapang na pamamahayag at makabuluhang serbisyo publiko sa milyun-milyong Pilipino sa buong bansa.










