Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko na huwag lagyan ng pulitika ang malawakang pagbaha sa Davao Region na dulot ng Habagat at Bagyong Kiyapo, at sa halip ay unahin ang pagtulong sa mga naapektuhang residente.

Ayon kay Go, natural na may mga lugar na binabaha tuwing malalakas ang pag-ulan at hindi ito maaaring iugnay sa pulitika dahil hindi matitiyak kung aling mga lugar ang direktang maaapektuhan. Aniya, lumalaki na rin ang populasyon sa Davao at dumarami ang mga imprastraktura at pabahay, kaya hindi na rin maiiwasan ang mga pagbaha sa ilang lugar.

Iginiit din ng senador na ang lahat ng biktima ng kalamidad ay mga Pilipino at nararapat lamang na magkaisa sa pagtulong sa kanila sa halip na gawing isyung pampulitika ang sitwasyon.

Samantala, ayon sa ulat ng GMA Regional TV, umabot na sa 314 pamilya sa anim na barangay ang naapektuhan ng flash flood sa Davao Region noong Hulyo 24. Nagdeklara na rin ng state of calamity ang Barangay Los Amigos sa Davao City matapos maapektuhan ng pagbaha ang tinatayang 80 porsiyento ng mga residente.

Bukod sa Davao Region, binaha rin ang ilang lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan mahigit 4,700 pamilya ang nailigtas sa mga bayan ng Lambayong sa Sultan Kudarat at Sultan sa Barongis sa Maguindanao del Sur.

-- ADVERTISEMENT --