Iginiit ng tagapagsalita ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na hindi itinuro ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang dating Speaker bilang sangkot sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, wala umanong nabanggit si Bonoan na may papel si Romualdez sa isinumite nitong pahayag sa Independent Commission on Infrastructure at maging sa mga naunang imbestigasyon.

Sinabi rin ni Fajardo na ang pagpili, pagpopondo at pagpapatupad ng mga flood control project ay nasa ilalim ng Executive branch, at wala umanong direktang papel dito si Romualdez.

Kinuwestiyon din ni Fajardo ang planong paggamit ng Office of the Ombudsman sa testimonya ni Bonoan bilang state witness.

Aniya, si Bonoan ang may direktang partisipasyon sa mga proyekto at dapat munang managot sa mga alegasyong ibinabato laban dito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, sinabi ni Fajardo na handang humarap si Romualdez sa anumang reklamong isasampa laban sa kanya at iginiit na wala umanong ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa sinasabing iregularidad.