Posibleng hindi makakalahok sa Paris Olympics si Brazilian Olympic gold medalist pole vaulter Thiago Braz matapos na siya ay patawan ng 16-month doping suspension.

Inihayag ng Athletics Integrity Unit (AIU), isang independent body na lumalaban sa doping, na si Braz, na nanalo ng gold medal sa 2016 Rio Olympics ay positibo sa ostarine glucuronide matapos ang in-competition test noong July 2, 2023.

Ang Ostarine ay itinuturing na anabolic agent sa listahan ng ipinagbabawal na substances ng World Anti-Doping Agency noong 2023.

Ito ay ginagamit para mapalaki ang muscles at athletic performance.

Sinabi ng AIU na iginiit ni Braz na wala siyang kamalay-malay na gumagamit siya ng ostarine, subalit iniinom niya ito sa pamamagitan ng supplement na ibinigay sa kanya ng sports nutritionist para umano mapaganda ang kanyang kalusugan.

-- ADVERTISEMENT --

Magtatagal ang pagbabawal sa ostarine hanggang November 27, 2024, bagamat nagsumite si Braz ng apela sa Court of Arbitration for Sport (CAS) sa pag-asang makakalaro pa rin siya sa Paris Olympics ngayong taon.