Refresh this page for updates
TUGUEGARAO CITY – Nagpapatuloy ang pursuit operation ng mga otoridad sa pamamaril ng hindi pa matukoy na grupo sa tropa ng Rizal Police Station habang sakay sa kanilang patrol car sa bahagi ng Barangay Iluru, Rizal, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Capt. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Cagayan PNP na sa limang sakay ng patrol car ay nasugatan ang dalawang tauhan ng PNP at mag-lolang sibilyan na nakisakay lamang sa kanila.
Nabatid na naganap ang pamamaril nang pabalik na ang tropa sa kanilang himpilan matapos ang isinagawang Barangay visitation sa Barangay Lattud.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan sina Police Master Staff Sgt. Evelyn Talay, Staff Sgt Manuel Deotato at si Rema Sabata, 55 anyos, kagawad ng barangay Lattud na nagpapagamot sa pagamutan dito sa lungsod.
Samantala, inihayag sa Bombo Radyo ng biktimang si Saiton Sabata, 10-taong gulang na nagkaroon muna ng pagsabog ng landmine sa harapan ng sasakyan bago sila pinaulanan ng bala ng mga naka-bonnet na suspek.
Hanggang sa nagkaroon na ng palitan ng putok sa magkabilang panig at agad na pinatakbo ang police patrol.
Maswerte namang walang tinamong sugat ang hepe ng pulisya at ang bata na kasamang sakay sa police patrol.