Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang isang kapitan ng barangay matapos umanong barilin at mapatay ang isang construction worker sa gitna ng kanilang alitan kaugnay ng videoke sa Barangay San Jose, Dasmariñas City, Cavite.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente noong Biyernes ng gabi habang parehong nag-iinuman at kumakanta ng videoke ang suspek at ang biktima sa magkaibang lugar. Nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawa na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Habang kinukunan ng biktima ng video sa kanyang cellphone ang pangyayari, makikita umano sa kuha ang aktwal na paglabas ng baril ng suspek at ang pamamaril. Tinamaan sa dibdib ang biktima na agad dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.

Ayon pa sa pulisya, nakita rin sa CCTV ang pagtakas ng suspek matapos ang insidente. Agad namang sinampahan ng kaso ang kapitan ng barangay, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito naaaresto.

Nanawagan ang pamilya ng biktima na harapin ng suspek ang batas at panagutan ang kanyang ginawa. Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng mga otoridad upang mahuli ang tumatakas na opisyal ng barangay.

-- ADVERTISEMENT --