Tuguegarao City- Umapela ng kooperasyon ang Brgy. Kapitan ng Bayabat, Amulung sa kanilang mga residente upang sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin kontra COVID-19.

Ito ay matapos makapagtala ng isang kumpirmadong kaso sa nasabing barangay na ikinabahala naman ng mga residente.

Kahapon ay kinumpirma ng DOH Region 2 na positibo sa nasabing virus ang 41 anyos na lalaking security guard na nagmula sa Metro Manila.

Sa panayam kay Brgy. Chairman Noel Medrano, nasa 12 na katao ang minomonitor ngayon ng kanilang tangapan na nakasalamuha ng pasyente.

Aniya, mahirap na imonitor ang mga nakahome quarantine dahil ilan sa kanila ay matitigas ang ulo at lumalabas sa mga oras na hindi namamalayan ng mga opisyal.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang tugon dito ay inatasan na niya ang mga residente na dumistansya muna sa mga nakasalamuha ng pasyente upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Sa ngayon ay tiniyak pa nito na imomonitor nila ang iba pang LSIs na na-kahome quarantine mula sa kanilang barangay.