Tuguegarao City- Isinailalim na sa temporary lockdown ang Brgy. Tupang, Alcala matapos magpositibo sa COVID-19 ang dalawang pasyente mula sa nasabing lugar kamakailan.

Ito ay sa bisa ng inilabas na Executive Order ni Mayor Tin Antonio bilang tugon upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Sinabi ni Mayor Antonio mahigpit ngayon ang mga otoridad sa pagpapatupad ng mga precautionary measures upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.

Aniya, isinailalim na rin sa mga pagsusuri at mandatory quarantine ang mga kasama sa bahay at mga nakasalamuhang kapit bahay ng mag-asawang covid-19 confirmed patients.

Nilinaw pa ng alkade na walang katotohanan ang kumakalat na balitang nagtungo sa birthday celebration ang mag-asawang pasyente.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nakahanda aniyang mamahagi ng relief goods ang LGU-Alcala sa mga residente ng Brgy. Tupang na naapektohan ng lockdown.

Ipinasiguro naman ng Alkalde na masusunod ang mga alituntunin na nakasaad sa guidelines kabilang na ang mandatory na pagsusuot ng facemask, pagpapanatili ng social distancing, pagpapatupad ng curfew hours at iba pa.

Sinabi pa ni Mayor Antonio, na sa ngayon ay umiiral din ang liqour ban sa bayan ng Alcala bilang bahagi pa rin ng pagtiyak sa seguridad ng lahat laban sa nakakahawang sakit.

Mahigpit namang hindi papalabasin sa kanilang mga bahay ang mga residente habang tanging mga otorisadong residenteng may quarantine pass na bibili ng mga pangunahing pangangailangan ang makakalabas.

Mababatid na unang kinumpirma ng DOH na positibo sa virus ang 30 ayos na pasyente na galing ng Pasay City at kalaunan ay idineklarang positibo rin sa sakit ang asawa nito.