Nagbukas ng mga bagong oportunidad para sa ASEAN at Pilipinas ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New Delhi, India, kung saan dumalo siya sa 18th BRICS Summit bilang ASEAN Chair.

Sa kanyang pagharap sa mga lider ng BRICS, inilahad ni Pangulong Marcos ang tatlong pangunahing prayoridad ng ASEAN, kabilang ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, pagpapalakas ng ekonomiya, at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga mamamayan.

Kabilang din ang pagpapalakas ng maritime cooperation at rules-based order, pagtitiyak sa food at energy security, at paggamit ng digital technology at artificial intelligence para sa mga negosyo, partikular sa MSMEs.

Samantala, para sa Pilipinas, nakipagpulong ang Pangulo kay Indian Prime Minister Narendra Modi upang palawakin ang ugnayan ng dalawang bansa.

Tinalakay ng dalawang lider ang cooperation sa space at railway development, agriculture, disaster resilience, digital payments, pharmaceuticals at traditional medicine.

-- ADVERTISEMENT --

Napag-usapan din ang nakatakdang pagbisita ni Modi sa Pilipinas para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Nobyembre.

Sa sidelines naman ng summit, nakipagpulong din ang Presidente sa mga Indian business leaders na nagpahayag ng interes na palawakin ang kanilang investments sa Pilipinas.

Kabilang dito ang 75 million US dollars na bagong investment commitment ng iSON Group, bukod sa pagpapalawak ng dati nitong operasyon sa bansa na inaasahang lilikha ng humigit-kumulang dalawang libong trabaho.

Kasama sa mga planong proyekto ang agro-solar, healthcare at BPO, gayundin ang 24/7 teleconsultation service.

Tinalakay rin ang planong pakikipagtulungan ng NPCI International Limited at LandBank para sa digital payment system na maaaring makatulong sa mga OFW at lokal na negosyo.

Kasama rin sa mga napag-usapan ang pagpapaunlad sa Sangley Point International Airport kasama ang GMR Group, habang nagpahayag naman ng interes ang iba pang Indian technology companies sa pagpapalawak ng operasyon sa Pilipinas sa AI, telecommunications at digitalization.

Bukod sa negosyo, pormal na ring kasapi ang Pilipinas bilang ika-71 miyembro ng Coalition for Disaster Resilient Infrastructure o CDRI, na naglalayong palakasin ang mga imprastraktura laban sa mga sakuna at epekto ng climate change.

Nakipagpulong din ang Pangulo sa Indian Space Research Organisation o ISRO para sa pakikipagtulungan nito sa Philippine Space Agency.

Layunin ng partnership na makatulong sa pagkakaroon ng sariling satellite ng Pilipinas para sa mas tumpak na weather forecasting, mas maayos na komunikasyon at disaster preparedness.

Samantala, balik bansa rin agad si Pangulong Marcos pagkatapos ng working visit sa India.