
Suportado ng isang nakaupong opisyal ng barangay ang pagpapahaba ng panunungkulan ng mga barangay officials kasunod ng pagsasabatas sa pagpapaliban ng Barangay at SK Elections (BSKE).
Ayon kay Kagawad Sheryl Bassig ng Brgy. Bagay, Tuguegarao City, makakatulong ang pagpapalawig sa termino upang maipagpatuloy ang mga proyekto at serbisyo sa nasasakupan.
Ayon kay Bassig na nahalal noong 2018 at muling inihalal noong 2023, bagamat tutol ang karamihan sa term extension ng kasalukuyang nakaupo dahil nais nilang mapalitan ang mga pinunong sa tingin nila ay hindi na epektibo, subalit may mga barangay din na maayos ang pamamalakad at kailangan ang pagpapatuloy sa mga nasimulang proyekto.
Limitado kasi aniya ang pondo ng bawat barangay kaya mahalagang magkaroon ng sapat na panahon upang makapagpatupad ng mga proyektong pangmatagalan.
Kabilang sa mga prayoridad na proyekto ang pagtatayo ng kanal at pagpapatag ng mga kalsada, pati na ang pag-iingat laban sa mga sakit tulad ng dengue kung saan apat na ang naitalang kaso sa nasabing lugar mula Enero hanggang Setyembre.







