Nag-iwan ng dalawang totally damaged at walong partially damaged na kabahayan ang pananalasa ng buhawi sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Ayon kay Jenevie Palogan ng Municipal Disaster Risk reduction Management office (MDRRMO)-Tumauini, labis na naapektuhan ang Barangay Sta Catalina at Malamag kung saan nasa 11 pamilya ang apektado.
Aniya, gawa sa light materials ang mga bahay na nasira kung kaya’t mabilis itong tinangay ng hangin na dala ng naturang buhawi.
Bukod sa mga kabahayan, ilang puno din ang natumba at dalawang bangka ang nasira habang maswerte namang walang naitalang nasugatan dahil sa naturang pangyayari.
Inihahanda naman ng LGU-Tumauini ang ibibigay na ayuda sa mga naapektuhang residente lalo na ang mga nawalan ng tirahan.
Sa naging panayam kay Romnick Nain, isa sa mga nakasaksi sa pananalasa ng buhawi at residente ng Brgy. Malamag, bago ang pangyayari ay nakita nila ang makapal at maitim na ulap sa kalangitan.
Pag-aakala umano nina Nain na isang sunog pero nang mapansin na papalapit sa kanilang kinaroroonan ay dito na sila nagtago.
Sinabi ni Nain na malakas na hangin at pagkulog-pagkidlat ang kanilang naranasan nang dumaan ang buhawi sa kanilang kinaroroonan na tumagal ng halos tatlong minuto.
Samantala, sinabi naman ni Tony Pagaliluan ng Pag-asa Tuguegarao, natural lamang ang buhawi sa tuwing may thunderstorm.
Ayon kay Pagaliuan, tumataas ang temperatura ng hangin mula sa lupa at dagat na nagiging sanhi ng pagsingaw ng tubig mula sa karagatan na dahilan ng pagbuo ng Cumulonimbus clouds na pinanggagalingan ng pagkulog at pagkidlat.
Dito, nagsisimulang humalo sa mainit na hangin mula sa kalupaan at nabubuo ang bugso ng hanging gumagalaw ng paikot hanggang sa maging ganap na buhawi.
Aniya, ang buhawi na nanalasa sa Isabela ay may dalang hangin na umaabot sa 450kph o doble sa hanging dala ng mga nararanasang bagyo.