TUGUEGARAO CITY- Tiniyak ng Bureau of Customs o BOC na walang black sand mining sa dredging sa bukana ng ilog sa bayan ng Aparri, Cagayan.

Iginiit ni Arienito Claveria, district collector sa Port of Aparri na walang equipment ang barko na nagsasagawa ng dredging operation sa nasabing bahagi ng ilog para sa pagproseso ng black sand.

Ayon sa kanya, tanging dredging lang ang ginagawa sa nasabing ilog na ang layunin ay mapalalim ito at para kayang makapasok ng mga malalaking barko.

Sinabi ni Claveria na dahil sa masyadong mababaw ang Port of Aparri ay limitado rin ang pumapasok dito na imported materials kung saan ang karamihan ay mga semento bilang bahagi ng “Build, Build, Build” program ng pamahalaan.

Naniniwala siya na kung tuluyan nang matapos ang rehabilitasyon ng port ay makakapasok na rin ang malalaking barko na magdadala ng iba pang mga produkto na mula sa kalapit na bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na magkakaroon ito ng malaking impact sa ekonomiya hindi lamang sa Aparri kundi sa buong lalawigan ng Cagayan.

Ayon sa kanya, lalago ang mga negosyo, tourism industry at iba sa sandaling matapos na ang nasabing proyekto.