Ibinunyag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na may mga dokumentong nag-uugnay sa hindi bababa sa limang Cabinet secretaries na tumanggap ng bilyong pisong allocables at non-allocables sa 2025 national budget.

Ayon kay Lacson, ang mga dokumento ay nagmula sa kampo ng yumaong DPWH Undersecretary na si Catalina Cabral at mula mismo sa Department of Public Works and Highways. Nakasaad umano rito na pati ilang undersecretaries ay may nakalaang pondo.

Binanggit ni Lacson na may isang Cabinet secretary na tinukoy lamang bilang “ES” na may P8.3 bilyong allocables. Isinama rin niya ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na umano’y may kabuuang P30.5 bilyong allocables para lamang sa 2025.

Ayon sa senador, nakita rin niya na may iba pang Cabinet secretaries na may tig-P2 bilyong allocables. Tinatanong niya kung bakit may ganitong pondo ang mga miyembro ng Gabinete gayong ang budget ay saklaw ng ehekutibo.

Sinabi pa ni Lacson na base sa pahayag ng dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, may hindi bababa sa isang Cabinet member bukod kay Bonoan ang tumanggap umano ng kickbacks.

-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag din ni Lacson na may mga Special Allotment Release Orders o SARO na naglalabas ng P50 bilyon mula sa unprogrammed appropriations. Sa halagang ito, P30 bilyon umano ang inilaan sa flood control projects na marami ay napatunayang “ghost projects.”

Ayon kay Lacson, maaaring ipatawag sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga sangkot na Cabinet secretaries kapag napatunayang tunay ang mga dokumento. Maaari umano itong patunayan ng Budget department o ng DPWH.

Binanggit din ng senador na bago pumanaw si Cabral, nakahanda umano itong tumestigo ukol sa mga SARO.

Samantala, nagbabala si Lacson laban sa pagiging “selective” ng Malacañang sa pag-usig sa mga sangkot sa katiwalian. Aniya, masama para sa bansa ang pumili lamang kung sino ang papanagutin.

Giit ni Lacson, kailangang ituloy ang imbestigasyon at ikulong ang mga mapapatunayang nagkasala.