Iginiit ng ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sapilitang kinuha ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang mga dokumento at kumopya ng files mula sa computer sa opisina ng yumaong DPWH Undersecretary Catalina Cabral noong Setyembre 4.

Batay sa salaysay ng mga empleyado, hiniling umano ni Leviste ang listahan ng mga proyekto at pangalan ng mga mambabatas na may kaugnayan sa 2025 General Appropriations Act.

Ayon sa kanila, nagkaroon ng komosyon sa loob ng opisina at nasugatan si Cabral, na umano’y nagkaroon ng paper cut sa kamay.

Sinabi ng mga staff na nakita nilang kinukuhanan ng video ni Leviste ang mga dokumento at patuloy siyang kumopya ng files mula sa computer kahit pinakiusapan na tumigil. Lumabas lamang umano ang mambabatas bandang alas-6 ng gabi.

Mariing itinanggi ni Leviste ang paratang na inagawan niya ng dokumento si Cabral.

-- ADVERTISEMENT --

Inamin niyang kumopya siya ng files ngunit iginiit na ang kanyang layunin ay transparency sa budget. Sinabi rin niyang may pahintulot umano ito ng DPWH Secretary Vince Dizon.

Gayunman, pinabulaanan ni Dizon ang pahayag ni Leviste.

Ayon sa kalihim, may pahintulot lamang sa pagkuha ng legislative district breakdown, ngunit walang awtorisasyon ang pagkopya ng files mula sa computer at ang umano’y agawan ng dokumento.

Dagdag niya, ang mga dokumento ay nasa Office of the Ombudsman na.

Patuloy ang panawagan ni Leviste sa DPWH na ilabas ang kopya ng tinaguriang “Cabral files,” habang naninindigan ang mga tauhan ng DPWH na wala silang ibinigay na pahintulot sa mga ginawang aksyon ng mambabatas.