Hustisya ang sigaw ng isang ina ng namatay na 19 anyos na kadete na namatay sa maritime academy sa Calamba City, Laguna, matapos na parusahan dahil sa umano’y thumps-up emoji niya sa group chat.
Sinabi ni Ana delos Reyes, agad silang pumuntang mag-asawa at dalawang pamangkin sa Barangay Canlubang sa Calamba City nang ipaalam sa kanila sa pamamagitan ng tawag sa telepono ng NYK-TDG Maritime Academy (NTMA) ang nangyari sa kanilang anak na si Cadet Vince Andrew Anihon Delos Reyes noong July 8.
Ayon kay Ana, hindi niya alam kung aling unit ng PNP ang magsasagawa ng imbestigasyon sa nangyari sa kanyang anak.
Gayonman, nangako siya na hindi sila titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak.
Ayon sa kanya, napakasakit na mawalan ng isang anak.
Sinabi niya na pagdating nila sa Calamba, pumunta sila sa Calamba City Polic Station, kung saan kasama ang suspect na kinilala lamang na si Nathaniel kabilang ang iba pang apat na testigo na kanyang nakausap.
Tinanong ni Ana kung ano ang laman ng group chat at kung ano ang nagbunsod para parusahan ang kanyang anak, subalit walang ibinigay na malinaw na sagot sa kanya.
Batay sa police reports, idineklarang dead on arrival sa ospital si ang kadete matapos na makaranas ng hirap sa paghinga at bumagsak sa kanyang cabin sa NTMA.
May hinala si Ana na posibleng na malala ang ginawa sa kanyang anak dahil sa ginawa ang pagpaparusa sa kanya sa loob ng isang silid at batay na rin sa pahayag ng mga testigo.
Iginiit niya na imposible na basta na lamang babagsak ang kanyang anak dahil alam niya na malusog ang kanyang anak.
Dahil dito, nananawagan siya sa mga kinauukulan na imbestigahan at panagutin ang mga posibleng sangkot sa pagkamatay ng kanyang anak.