
Nanawagan ng suporta si Miss Earth Philippines 2026 Ria Andrea Delos Santos ng Ballesteros, Cagayan, sa mga Pilipino upang matulungan siyang makuha ang Beauty Icon title sa nalalapit na Miss Earth 2026.
Sa kaniyang mensahe sa pamamagitan ng kaniyang social media account, sinabi ni Delos Santos na hindi lamang ang kaniyang sarili ang kaniyang kinakatawan sa international pageant kundi ang buong bansa, kasama ang dangal, pangarap at diwa ng bawat Pilipino.
Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na makiisa sa online voting sa pamamagitan ng 1VOTE platform ng Eventista o 1ZONE application.
Maaaring makaboto nang libre sa pamamagitan ng pag-download ng 1ZONE app, paggawa ng account at pag-verify nito sa pamamagitan ng email. Maaari ring mag-sign in gamit ang Google account o rehistradong Eventista account.
Mayroon ding mga voting package na maaaring bilhin gamit ang iba’t ibang payment methods.
Ayon sa voting guidelines, ang lahat ng puntos na makukuha sa Beauty Icon voting ay awtomatikong ililipat din sa World’s Choice Award sa oras na opisyal nang buksan ang naturang voting category.
Samantala, nakatakdang ganapin ang ika-26 na edisyon ng Miss Earth sa Disyembre 12, 2026 sa Quirino Grandstand sa Maynila, na may temang “Love in Action.”
Si Delos Santos ay nagmula sa Ballesteros, Cagayan at siyang itinanghal na Miss Philippines Earth 2026 noong Hunyo upang kumatawan sa bansa sa prestihiyosong international pageant.
Umaasa naman ang kandidata na sa pamamagitan ng sama-samang suporta ng mga Pilipino ay maiuuwi niya sa bansa ang isa pang pagkilala sa Miss Earth 2026.






