
Dinumog ng mga residente ang Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang, Nueva Vizcaya, nitong Linggo, Nobyembre 29, matapos ipamahagi nang libre ang mga gulay na hindi naibenta dahil sa labis na suplay at pagbagsak ng presyo sa merkado.
Kabilang sa mga ipinamahaging ani ang kamatis, talong, sitaw at repolyo na kinuha ng mga residente gamit ang kani-kanilang supot.
Ayon sa mga trader, dulot ito ng sabay-sabay na anihan sa iba’t ibang lalawigan at mahinang demand mula sa mga mamimili sa labas ng rehiyon.
Bumagsak sa P10 hanggang P20 kada kilo ang presyo ng kamatis, habang P4 hanggang P8 kada kilo naman ang repolyo at wombok.
Dahil walang sapat na bultuhang mamimili, minabuti ng ilang magsasaka at volunteer na ipamahagi na lamang ang mga gulay sa halip na tuluyang mabulok at itapon.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Agriculture sa NVAT para sa posibleng pagpapatupad ng Buying Rescue Program, logistical support at paghahanap ng karagdagang pamilihan upang matulungan ang mga magsasakang nalulugi sa sobrang suplay ng kanilang mga produkto.










