Governor Manuel Mamba

TUGUEGARAO CITY-Humingi ng paumanhin at tawad si Cagayan Governor Manuel Mamba lalo na sa grupo ng mga kaguruan sa kanyang nabanggit sa isang panayam na nag-eenjoy at walang ginagawa ang mga ito habang nahaharap sa krisis ang probinsya dahil sa covid-19.

Ayon kay Mamba,hindi ito ang kanyang ibig-sabihin dahil nais lamang niyang I-challenge o hamunin ang mga guro lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan ipinagbabawal ang face to face class.

Aniya, mataas ang tingin niya sa mga guro at kanyang sinusuportahan ang pag-angat ng edukasyon sa lipunan.

Ngunit, sa kabila nito, nangangamba pa rin si Mamba na baka hindi magtagumpay ang modular para sa pag-aaral ng mga kabataan dahil nakatutok rin ang mga magulang sa paghahanap buhay.

Dahil dito, suhestyon ni Mamba na dapat ay turuan ang mga kabataan lalo na ang mga nasa secondary level o high school ng bagong skills.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, ipinagmalaki ni Mamba ang kanyang proyekto kung saan nagbigay ng mga alagang hayop sa bawat barangay para alagaan at palaguin ng mga kabataan dahil ito ang labis na kailangan ng bawat mamamayan sa ngayon.

Tinig ni Gov. Manuel Mamba

Samantala, sinabi ni Mamba na mayroong anim mula sa 21 barangay ang siguradong makakatanggap ng P20M sa probinsya kapag inaprubahan na ang national budget.

Aniya,gagamitim ito sa mga proyektong pang-istruktura para mapaangat pa lalo ang ekonomiya ng lalawigan.

Iginagalak din ni Mamba ang pagpapatayo ng bagong Battalion sa lalawigan partikular ang 77th Infantry Battalion para mawakasan na ang insurhensya.