Inirekomenda ng mga miyembro ng Provincial Joint Peace and Security Coordinating Council (PJSCC) at Peace, Law Enforcement, and Development Support Cluster (PLED) ang deklarasyon ng lalawigan ng Cagayan bilang “insurgency-free” at nasa estado ng matatag na panloob na kapayapaan at seguridad.
Ipinresenta ng mga kasundaluhan ang kanilang mga basehan para sa rekomendasyon, kabilang na ang pagkakabuwag ng mga rebeldeng grupo ng East at West Front ng Komiteng Probinsiya Cagayan, ang neutralisasyon ng mga matataas na miyembro ng New People’s Army (NPA), at ang pagsuko ng ilang miyembro ng grupo.
Ayon kay Brigadier General Eugene Mata, Commander ng 502nd Infantry Brigade, tiwala siya na hindi na makakarekober o makakabuo muli ng pwersa ang mga rebelde sa Cagayan at sa buong Rehiyon 02, dahil sa matagumpay na pagkakabuwag ng kanilang mga pwersa at hirap na kanilang nararanasan sa pagtatag ng bagong grupo.
Kaugnay nito, isusumite ng Provincial Joint Peace and Security Coordinating Council ang kanilang rekomendasyon sa Provincial Peace and Order Council at sa PTF-ELCAC sa pangunguna ni Gov. Manuel Mamba, para sa pagpasa ng isang resolusyon na magsisilbing batayan ng deklarasyon.