Itinuring ng Provincial Health Office ng Cagayan na alarming ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 dito sa lalawigan.

Sinabi ni Nestor Santiago, coordinator ng Provincial Epedimiology and Surveillance Unit na sa ngayon ay 71 ang active cases ng COVID-19 sa lalawigan.

Sinabi niya na ang Tuguegarao City ang may pinakamaraming bilang ng active cases na 17 mula sa labing limang bayan na may kaso.

Ayon sa kanya, may naitalang 13 bagong kaso noong June 4.

Ayon kay Santiago, naitala ang biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 nitong kalagitnaan ng buwan ng Mayo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na ang karamihan ng mga tinamaan ng virus ay edad 25 hanggang 35 at iilan lamang ang senior citizens at mga bata.

Gayonman, sinabi niya na wala pa namang naitatala na bagong namatay dahil sa nasabing virus.

Sinabi niya na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Health upang malaman kung ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan ay dahil sa bagong variant na FLirt.

Kasabay nito, pinapayuhan niya ang publiko na sumunod sa health protocols para maiwasan na mahawaan ng nasabing sakit.