TUGUEGARAO CITY- Pasisinayaan na ngayong araw ang pagsisimula ng Cagayan River Restoration Program sa Bangag, Lal-lo na isinusulong sa lalawigan ng Cagayan.
Ito ay dadaluhan ng mga opisyal at miyembro ng Build Back Better Task Force ng pamahalaan sa pangunguna ni DPWH Sec. Mark Villar at DENR Sec. Roy Cimatu.
Kasama na rin dito ang mga pribadong sektor na magsasagawa ng dredging operation sa bukana ng Cagayan River.
Katuwan sa nasabing programa ang DENR, DPWH, BFAR, DOLE at AFP iba’t ibang mga concerned agencies.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Ismael Manaligod, Provincial Environment and Natural Resources (PENR) Officer Cagayan, pangunahing layunin ng programa na ayusin at palalimin ang river channel ng ilog Cagayan para sa maayos na pagdaloy ng tubig.
Bahagi nito ang pagsasagawa ng dredging operation upang matanggal ang mga sand bars at iba pang river waste na nakakaharang at nagpapakipot sa maayos na pag-agos ng tubig.
Ito ay isasagawa mula sa bukana ng Ilog Cagayan sa Aparri, Lallo, Gattaran at iba pang bayan na sakop nito.
Ayon kay Manaligod, ang pakikipag-ugnayan sa BFAR ay upang matiyak na walang maaapektuhang mga kabibe sanctuary at iba pang yamang ilog sa pagdarausan ng dredging.
Ipinunto pa ni Manaligod na ang pagsusulong sa programa ay upang maiwasan na rin ang malalang epekto ng mga pagbaha sa probinsya tuwing may mga kalamidad.
Kasabay nito ang pagtutok sa river bank restoration sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kawayan sa gilid ng mga ilog at mga watershed areas upang maiwasan ang malalang epekto ng pagguho ng mga lupa sa gilid ng mga ilog.
Inihayag niya na may P5M na pondong inilaan sa probinsya para tutukan ang programa at produksyon ng iba’t-ibang variety ng Kawayan.
Saad pa nito, sa pagtatanim at pangangalaga ng kawayan ay mangangailangan ng mga manggagawang maaaring ipasok sa “cash for work” o TUPAD Program ng DOLE.
Samantala, sinabi pa ni Manaligod na magkakaroon din ng malawakang konsultasyon sa komunidad ang mga miyembro ng Build Back Better Task Force upang makaugnayan ang mga maaapektuhang residente na nagtatanim sa mga gilid ng ilog Cagayan.