Tugeuagarao City- Patuloy ang pagtaas ng loading consumption sa kuryente dahil sa nararanasang tindi ng init ng panahon ayon sa Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO 1).
Sa panayam kay Engr. Gregorio Mappatao Jr., Technical Services Dep’t Manager ng nasabing tanggapan, mabilis ngayon ang pag-akyat ng konsumo sa kuryente dahil sa dami ng gumagamit nito.
Aniya, ngayong buwan lamang ng Mayo ay tumaas ang consumption ng higit pa sa 30% kaya’t patuloy ang pagdaragdag ng mga transformers sa iba’t ibang mga lugar sa probinsya.
Saad nito, sa huling datos ay nagdagdag pa sila ng anim na mga transformers sa lungsod ng Tuguegarao at hindi pa kasama dito ang mga ikinabit sa iba pang lugar.
Paliwanag naman ni Engr. Tito Lingan, General Manager ng CAGELCO 1, layunin ng pagdaragdag ng mga transformers ay upang maiwasan makaagapay sa pag-iwas sa overloading dahil sa dami ng mga appliances na ginagamit sa loob ng tahanan.
Sakali kasi aniya na hindi nakayanan ng transformer ang loading consumption ay maaari itong masira at nagiging sanhi minsan ng power interruption.
Gayonman ay nilinaw din nito na walang epekto ang pagdaragdag ng mga transformers sa bayarin sa kuryenteb dahil ang pagtaas nito ay dahil sa dami ng gadgets na ginagamit upang maibsan ang init ng panahon.
Hinikayat naman ni Lingan ang publiko na magtipid ng kuryente sa pamamagitan ng pagpatay sa mga appliances na hindi ginagamit at iwasang pagsabay-sabayin na buksan kung hindi kinakailangang gamitin.
Inihayag din niya na ang mga scheduled power interruption para sa pagsasagawa ng maintenance ay itinataon sa araw ng Sabado upang hindi maapektohan ang mga mag-aaral sa kanilang online class.
Pahayag pa ni Lingan, nagbibigay din sila ng paabiso sa lahat ng mga ospital o tanggapang nangangasiwa ng bakuna kung magkakaroon ng power interruption upang makapaghanda at masigurong handa ang kanilang mga generator set para sa mga cold storage facilities ng bakuna at hindi ito masira.