TUGUEGARAO CITY-Pinangangambahang maubos ang supply ng basic commodities sa bayan ng Calanasan, Apayao dahil hanggang sa ngayon ay nanatiling isolated o hindi pa rin napapasok kasunod ng naitalang landslide dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ayon Jhun Florendo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office(MDRRMO)-Calanasan, pahirapan ang kanilang hanay kasama ang DPWH sa clearing operation dahil sa lawak at malalaking pagguho ng lupa.
Aniya, hanggang sa ngayon ay walang nakakapasok at nakalalabas na anumang uri ng sasakyan sa Calanasan.
Dahil dito, sinabi ni Florendo na target ng kanilang pamunuan na linisin ang mga kalsada hanggang sa December 17, 2019 dahil tatagal na lamang ng dalawang linggo ang kanilang basic supply.
Bukod sa basic commodities, aabot na lamang din sa isang linggo ang stock ng kanilang gasolina at krudo na ginagamit sakanilang mga gen set.
Nabatid na hanggang sa ngayon ay dalawang barangay lamang ang sinusupplayan ng Cagayan Electric Cooperative Inc. kung kaya’t tanging solar energy at gen set o generator lamang ang kanilang ginagamit.
Samantala, 12 bahay ang naitalang totally damaged at 14 na partially damaged mula sa tatlong barangay sa nasabing bayan.
Sinabi ni Florendo na walang naisalbang anumang gamit ang mga naapektuhang residente dahil sa biglang paglaki ng tubig.
Ayon kay Florendo, limang pamilya ang lumikas na may 30 indibidwal mula sa barangay Santa Macalino, siyam na pamilya naman sa Santa Elena na may 24 indibidwal at dalawang pamilya na may walong indibidwal mula naman sa Santa Filomena na kasalukuyang nasa evacuation center.