
Isinara ng Cale88 Foods Corporation, kumpanyang kabilang sa mga business interest na nakalista sa SALN nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio, ang dalawa nitong checking account noong Hulyo 2026, ayon sa isang bank witness sa impeachment trial.
Sa Day 35 ng paglilitis, sinabi ni Security Bank Branch Banking Group head Leslie Cham na binuksan ang dalawang account noong Agosto 2024 at Oktubre 2025, ngunit parehong isinara noong Hulyo.
Ayon kay Cham, nasa ₱332,000 ang ending balance ng isang account noong Disyembre 2025, habang nasa ₱21,000 naman ang isa.
Nauna nang sinabi ng Anti-Money Laundering Council na umabot sa ₱1.25 bilyon ang kabuuang covered at suspicious transactions ng Cale88 mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang ₱319 milyon na inward remittance mula China.
Iginiit naman ng kampo ni Duterte na hindi sapat ang suspicious transaction report para patunayang may ilegal na transaksyon.










