Inaasahan ang pag-init pa ng labanan para sa Eleksyon 2025 kasabay ng pagsisimula ng 45-dday campaign period para sa mga lokal na kandidato ngayong araw na ito.
Kasabay nito, naglabas si Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia ng mga paalala sa mga lokal na kandidato kasabay ng panawagan sa mga ito na sumunod sa mga guidelines na itinakda ng ahensiya para sa ligtas at matagumpay na halalan sa May 12.
Sinabi ni Garcia na ito ang kanilang hinihintay dahil sa magagamit na ng Comelec ang kanilang hurisdiksiyon at maipatupad ng sapat ang mga election law.
Hindi pinapayagan ang mga kandidato na mangampanya sa April 17 (Maundy Thursday), April 18 (Good Friday), May 11 (eve of Election Day), and May 12 (Election Day.)
Ayon kay Garcia, magpapatupad ang Comelec ng mas mahigpit na mga hakbang laban sa campaign materials na hindi sumusunod sa mga limitasyon sa sukat o inilalagay sa mga hindi pinahihintulutang pampublikong lugar.
Ang tamang sukat para sa mga pamphlet, leaflet, at sticker ng eleksyon ay 8.5” x 14” habang ang mga poster at standee ay dapat 2ft x 3ft.
Ang mga streamer para sa mga rally ng kampanya ay dapat 3ft x 8ft.
Ang mga election paraphernalia ay maaaring ilabas limang araw bago ang rally ngunit kailangang tanggalin matapos ang 24 na oras.
Papayagan din ang mga kandidato na gamitin ang 60 minutong airtime para sa broadcast election propaganda mula sa mga TV station at 90 minutong radio ads, kung ito man ay donasyon o mula sa kanilang sariling bulsa.
Sinabi rin ni Garcia na magpapatupad ang Comelec ng mas mahigpit na mga hakbang laban sa pagbili ng boto, pagbebenta ng boto, at pang-aabuso ng mga yaman ng estado dahil inilunsad muli nila ang Committee on Kontra-Bigay.
Idinagdag pa ni Garcia na magsasagawa sila ng Oplan Baklas ngayong araw na ito.