
Kinumpirma ng Vatican na si Cardinal Robert Prevost ang nahalal bilang ika-267 Santo Papa ng Simbahang Katolika.
Pinili niya ang pangalang Pope Leo XIV—isang makasaysayang hakbang sapagkat siya ang kauna-unahang Amerikanong Papa sa kasaysayan ng Simbahan.
Ipinanganak si Pope Leo XIV noong Setyembre 14, 1955, sa Chicago, Illinois, sa Estados Unidos.
Bago ang kanyang pag-upo bilang Santo Papa, nagsilbi siya bilang prefect ng Dicastery for Bishops at presidente ng Pontifical Commission for Latin America, mga posisyong itinalaga sa kanya ni Pope Francis noong 2023.
Sa kanyang unang paglabas sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica noong Biyernes, Mayo 9 (oras sa Maynila), sinalubong si Pope Leo XIV ng masigabong palakpakan at pagluha ng tuwa mula sa libo-libong mananampalataya na nagtipon sa Vatican.
Sa kanyang pagbati na, “Peace be with you all” ipinahayag niya ang kababaang-loob, mainit na damdamin, at isang taos-pusong panawagan para sa pagkakaisa ng Simbahan at ng buong mundo.