Nagpahayag ng pagkabahala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagkakaantala sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte kasabay ng kanilang paghimok sa mga mananampalataya na labanan ang “moral indifference.”

Sa pastoral letter ng CBCP, sinabi nito na hindi na tama ang pag-aantala sa pagpapatupad ng Senado sa kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon na isagawa ang impeachment process.

Binigyang-diin ng CBCP na kung isasagawa ang impeachment nang may katapatan at hustisya, maituturing ang proseso na isang lehitimong mekanismo para sa transparency at accountability sa pamamahala.

Kasabay nito, nanawagan ang CBCP sa mga mananampalataya na makinig sa lahat ng panig ng usapin ng may bukas na pag-iisip at itaguyod ang engaged citizenship na nakaugat sa Christian faith.

Una rito, sinabi ni Senate impeachment court spokesperson Regie Tongol na hindi niya pinipigil ang impeachment ni Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Inimpeach ng Kamara si Duterte noong February 5, at inihatid ito sa Senado para sa impeachment trial.

Subalit, nagbotohan ang Senado na umuupong impeachment court noong June 10 na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte na hindi binabasura o tinatapos ang kaso.

Nakatakda pang isumite ng Kamara sa ilalim ng 20th Congress ang second verification may kaugnayan sa kahandaan na mag-prosecute.

Nagpasok naman si Duterte ng “not guilty” plea sa verified complaint na inihain laban sa kanya ng Kamara.