
Naglabas ang GMA News ng bagong CCTV footage na nagpapakita sa mga sandali bago ang nakamamatay na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18.
Makikita sa video ang isang Grade 8 student na dumating sa campus habang may dalang backpack at isang mahabang itim na bag. Sa halip na dumaan sa pangunahing entrance ng Junior High School building, lumiko umano ang estudyante sa kanan at dumaan sa emergency exit ramp na para sa mga persons with disability.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na nakatago sa naturang itim na bag ang baril na ginamit sa pamamaril. Ayon sa ulat, umano’y kinuha ang armas mula sa sasakyan ng ama ng estudyante na naghatid dito sa paaralan.
Ilang minuto matapos maitala ang footage ay umalingawngaw ang putok ng baril sa ikaapat na palapag ng campus, na ikinasawi ng dalawang estudyante at nagdulot ng pangamba sa buong bansa.
Kasunod ng insidente, nagsagawa ang pamahalaang lungsod ng Zamboanga ng active shooter simulation sa Tumaga Elementary School upang sanayin ang mga estudyante, guro at emergency responders sa tamang pagkilos sakaling magkaroon muli ng katulad na insidente.
Sa isinagawang drill, agad na dumapa ang mga estudyante, isinara at ni-lock ang mga pintuan ng silid-aralan at pinatay ang mga ilaw. Tahimik ding pumuwesto ang mga bata sa gilid ng classroom upang hindi makita ng simulated shooter.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso, nakita sa simulation ang ilang kakulangan sa kahandaan ng mga paaralan, kabilang ang kawalan ng individual alarm system sa bawat classroom. Plano rin ng lokal na pamahalaan na maglagay ng steel doors upang mas mahirapang buksan ang mga silid mula sa labas kapag may emergency.
Iminungkahi rin ni Olaso ang pagkakaroon ng mga secure na lugar o “citadel” sa loob ng mga paaralan na maaaring paglungaan ng mga estudyante at guro sakaling magkaroon ng pag-atake.
Bukod sa seguridad sa paaralan, hinimok ng alkalde ang mga magulang na mas bantayan ang kilos at kalagayan ng kanilang mga anak, panatilihin ang bukas na komunikasyon at tiyaking ligtas at nakakandado ang mga baril na nasa kanilang tahanan.
Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa Department of Information and Communications Technology o DICT na tumulong sa pagtugon sa mga mapanganib o nakasasamang online content na maaaring magkaroon ng negatibong impluwensya sa mga kabataan.









