Hawak na ng pulisya ang Closed Circuit Television (CCTV) footage na makakatulong sa pagresolba sa pamamaril-patay ng riding in tandem suspect sa isang estudyante sa Brgy Ugad, Cabagan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Maj. Rodante Albano, hepe ng PNP-Cabagan na kabilang sa hawak nilang ebidensya sa pamamaslang sa biktimang si Anthony Camaggay, 19-anyos ng Brgy Ugad ay ang kuha ng CCTV sa lugar kung saan makikita rito ang dalawang suspek na naka-helmet lulan ng motorsiklo.
Ayon kay Albano, ang dalawang gunmen din na nakita sa CCTV ang nagtangkang pumatay sa biktima ngunit hindi napuruhan sa pamamaril noong May 16, 2021 sa Brgy Calamagui, San Pablo.
Ang biktima ay 2nd year BS Agriculture Technology student sa Isabela State University- Cabagan Campus kung saan kinahiligan nito ang pagpipintor.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, inutusan ang biktima upang magpa-photocopy ng death certificate ng kamamatay lamang na tiyahin lulan ng kanyang bisikleta.
Ngunit nasa 100 metro pa lamang ang layo ng biktima sa kanilang tahanan ng pagbabarilin ito ng dalawang hindi pa nakilalang suspek.
Nagtamo ng limang tama ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang biktima sa kamay at ulo nito na dahilan ng kanyang pagkasawi.
Hinimok naman ni Albano ang pamilya at mga kaibigan ng biktima na makipag-tulungan sa imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.