Nanawagan ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa pamahalaan na bigyan ng kaparehong prayoridad ang sektor ng edukasyon tulad ng imprastraktura, pamamahala at pagbangon ng ekonomiya kasunod ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kinilala ng CEAP ang mga hakbang ng administrasyon sa pagpapalakas ng pananagutan sa mga proyektong pang-imprastraktura, proteksyon sa mga overseas Filipino worker, food security, disaster preparedness at pagtugon sa mga hamong pang-ekonomiya. Gayunman, iginiit ng grupo na nararapat ding magkaroon ng agarang atensyon ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.

Hinikayat ng CEAP ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Kongreso, at iba pang sektor na paigtingin ang mga reporma sa edukasyon, pangalagaan ang dignidad ng mga guro, at hubugin ang mga mag-aaral na may kritikal na pag-iisip, malasakit at responsableng pamumuno. Ayon sa grupo, ang pinakamahalagang puhunan ng bansa ay ang mamamayang Pilipino.