
Nanawagan si Cebu Archbishop Albert Uy ng proteksyon para sa mga bata kasunod ng mga insidente ng karahasan at pamamaril na kinasasangkutan ng mga estudyante sa ilang paaralan sa bansa.
Nagpalabas si Uy ng Oratio Imperata o obligadong panalangin na hinihikayat na bigkasin sa mga simbahan, kapilya at iba pang religious communities. Nakapaloob dito ang panalangin para sa kaligtasan ng mga bata at kabataan, gayundin ang karunungan at pagiging mapagmatyag ng mga magulang, guro at school personnel.
Sa kaniyang homiliya sa St. Augustine of Hippo Parish sa Carmen, Cebu, hinimok naman ng arsobispo ang mga magulang na seryosohin ang kanilang tungkulin sa paggabay sa mga anak at turuan silang palaging manalangin.
Ayon kay Uy, dapat magsimula mismo sa mga magulang ang pagtuturo ng pananalangin dahil pinakamabisang paraan umano ito sa pamamagitan ng halimbawa. Maaari rin aniyang turuan ang mga bata na kabisaduhin ang mga panalangin gaya ng Our Father, Hail Mary at Glory Be.
Binigyang-diin ng arsobispo na hindi lamang pera o ari-arian ang maiiwan ng mga magulang sa kanilang mga anak, kundi ang isang “legacy of faith” o pamana ng pananampalataya.










