TUGUEGARAO CITY-Nagmimistulang “ghost town” umano ang central park ng Hong kong na kadalasang tambayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) dahil sa mga protesta.
Sa naging panayam kay Janice Garvin, isang OFW sa Hong Kong na tubong Rizal, Kalinga, mas pinipili na lamang niyang mamalagi sa tinitirhang bahay kaysa sa mamasyal dahil sa takot na baka madamay sa mga protesta.
Ayon kay Garvin, kung noon, lalo na pag-holiday ay maraming mga pinoy ang namamasyal sa mga malls maging sa mga restaurant, ngayon ay halos wala na umanong pumapasok sa mga establishimento.
Dagdag pa niya na sa tuwing sasapit ang alas-singko ng hapon ay sarado na ang mga establishimento doon.
Ngunit sakabila nito,sinabi ni Garvin na bagamat kaliwa’t kanan ang ginagawang protesta sa lugar hindi naman umano sila nadadamay dahil na rin sa suporta ng kani-kanilang amo at pag-iwas muna sa pamamasyal lalo sa mga lugar na malapit sa pinagdadausan ng rally.
Matatandaan, nag-ugat ang mga protesta dahil sa pagtutol sa pagsusulong ng “extradition bill” na kung saan hahayaan na bumalik sa mainland China ang mga nakagawa ng krimen sa Hong kong upang doon isagawa ang kanilang paglilitis.