
Nakita at nayakap na muli ni Filipina-American Chantal Anicoche ang kanyang ina nang magtagpo ang dalawa sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal nitong Biyernes, Enero 30, matapos ang ilang linggong pagkakawalay dahil sa pagkakaipit nito sa amred conflict sa Mindoro.
Bumiyahe pa mula sa Estados Unidos bumiyahe ang ina ni Chantal at dumiretso sa kampo para personal na masiguro na ligtas na ang anak na inakala aniya nitong hindi na niya muling makikita.
Na-rescue si Anicoche noong Enero 8 ng mga tropa ng militar sa gitna ng clearing operations sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro, matapos siyang iwan ng kanyang mga kasamahan sa gitna ng sunod-sunod na engkuwentro laban sa mga NPA sa lugar.
Agad naman siyang isinailalim sa pangangalaga ng Philippine Army at binigyan ng agarang medical at humanitarian aid, bago dinala sa Army Station Hospital ng 2nd Infantry Division kung saan niya tinapos ang mga kinakailangang gamutan.
Ayon kay Colonel Michael Aquino, Tagapagsalita ng 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division at Hepe ng Division Public Affairs Office, sumasalamin ang muling pagkikita nina Chantal at ng kanyang ina sa lalim ng pagmamahal ng isang magulang at sa kahalagahan ng pagpili ng kapayapaan at pagbabalik-loob sa pamilya.
Panawagan pa ni Col Aquino sa mga naligaw ng landas na sumuko na at talikuran ang walang saysay na pakikibaka, at piliing bumalik sa kanilang tahanan at magbagong-buhay.
Kaagad namang lumipad pabalik sa Amerika si Anicoche at ang kanyang pamilya noon ding gabi ng Enero 30, dala ang panibagong pag-asang magsimula muli.
Muli namang tiniyak ng 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division ang commitment nito sa people-centered at makataong operasyon, kungsaan ang tunay na matibay na kapayapaan ay nakabatay sa pagkakasundo, pagpapahalaga sa pamilya, at pagtalima sa batas, sa halip na sa dahas at karahasan.




