Pumanaw na ang kilalang Filipino chef at Asia’s Best Female Chef noong 2016 na si Margarita Fores sa edad na 65.
Natagpuan si Fores na hindi na gumagalaw sa kanyang kwarto sa isang hotel sa Hong Kong matapos hindi dumaan sa isang naka-schedule na lunch meeting.
Hanggang ngayon, hindi pa ibinubunyag ng mga awtoridad ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Si Fores ay isang pioneer sa industriya ng pagluluto at nakilala sa buong mundo dahil sa kanyang pagtangkilik at pagpapasikat ng lutuing Filipino.
Siya ang may-ari ng mga kilalang restaurant tulad ng Cibo, Lusso, Grace Park, at Alta.
Kilala rin siya sa kanyang adbokasiya para sa paggamit ng mga organikong sangkap at sa mataas na kalidad ng pagluluto ng Italian at Filipino dishes na nagbigay sa kanya ng pagkilala sa mga international culinary circles.
Noong 1986 ay nag-aral si Fores ng pagluluto sa Italya at nag-training sa ilalim ng tatlong kilalang chef upang matutunan ang mga tradisyunal na pamamaraan ng Italyanong pagluluto.
Nagsimula siya bilang caterer bago itaguyod ang Cibo noong 1997, kung saan nag-aalok siya ng masasarap na Italian dishes sa abot-kayang halaga.
Ang kanyang restaurant na Grace Park ay nakapuwesto sa ika-12 na ranggo sa Opinionated About Dining’s Top Casual Restaurants in Asia noong 2024.
Nakipagtulungan din siya kay Chef Hiroyuki Tamura mula sa Japan upang magluto ng “Batchoy Ramen,” na isang fusion dish ng mga Ilonggong lasa at mga teknik ng Hapon.
Bukod sa kanyang mga negosyo, si Fores ay nagpakita rin ng kanyang talento sa international television shows.
Si Fores ay isang dalawang beses na cancer survivor kung saan nakaligtas siya sa thyroid cancer noong 2006 at patuloy na nagsilbing inspirasyon sa marami.