Iginiit ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno na hindi maaaring pigilan ng anumang korte ang pagpapatupad ng wage order, kasunod ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Pasig Regional Trial Court laban sa ipatutupad na P85 umento sa minimum wage sa Metro Manila.

Ayon kay Diokno, malinaw sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring maglabas ng injunction o restraining order upang hadlangan ang pagpapatupad ng wage order. Aniya, dapat manaig ang batas at mapangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa.

Noong Hunyo, inaprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P85 dagdag-sahod para sa mahigit 1.1 milyong minimum wage earners sa National Capital Region. Samantala, muling isinulong ni Diokno ang House Bill No. 766 na naglalayong magpatupad ng P200 arawang umento sa minimum wage upang matiyak ang disenteng pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino.