
Nagdeklara ng state of catastrophe ang pamahalaan ng Chile sa dalawang rehiyon sa timog ng bansa matapos ang malalaking wildfires na sumiklab na ikinamatay ng hindi bababa sa 16 katao at nagpa-evacuate sa mahigit 20,000 residente.
Ayon kay Pangulong Gabriel Boric, ipinatupad ang emergency sa mga rehiyon ng Ñuble at Bío Bío, humigit-kumulang 500 kilometro sa timog ng kabisera ng Santiago.
Batay sa ulat ng CONAF, forestry agency ng Chile, may 24 aktibong sunog pa sa buong bansa noong Linggo ng umaga, kung saan ang pinakamalalaki ay nasa Ñuble at Bío Bío. Tinatayang 8,500 ektarya ng lupa ang nasunog na, na nagbanta sa maraming komunidad.
Sinabi ng Security Minister na si Luis Cordero na 15 katao ang nasawi sa rehiyon ng Bío Bío, habang isang pagkamatay naman ang naitala sa Ñuble. Kinumpirma rin ng Senapred, ang disaster agency ng Chile, na higit 250 bahay ang nawasak dahil sa apoy.
Ipinaliwanag ng mga awtoridad na ang malalakas na hangin at matinding init ang lalong nagpalala sa pagkalat ng sunog at nagpahirap sa mga bumbero na ito’y mapigil.
Nasa ilalim ng extreme heat alert ang malaking bahagi ng Chile, na may temperaturang inaasahang aabot sa 38°C mula Santiago hanggang Bío Bío.
Kasabay nito, nakararanas din ng matitinding heat wave ang karatig-bansang Argentina, kung saan ilang malalaking wildfire ang naitala sa rehiyon ng Patagonia noong mga nakaraang linggo.










