Patuloy na binibigyang katuwiran ng China ang iligal na pagpasok ng kanilang mga barko sa Philippine exclusive economic zone (EEZ), at ang pinakahuli ay sa Sabina Shoal.

Matapos na ihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na iniangkla ng China ang kanilang “monster” ship ng Chinese Coast Guard (CCG) vessel 5901 malapit sa Sabina Shoal o 130 kilometers sa Palawan, iginiit ng Biejing na ang hakbang ay saklaw ng kanilang karapatan.

Binigyan diin ni Lin Jian, tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China na ang pagpapatrolya at pagsasagawa ng law enforcement activities ng Chinese military at Coast Guard vessels sa katubigan malapit sa Xianbin Jiao ay napapaloob umano sa domestic law ng China at international law, kabilang ang UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea.

Ang Sabina Shoal ay nasa 200-nautical miles EEZ ng Pilipinas, batay sa UNCLOS at pinagtibay sa pamamagitan ng 2016 Arbitral Award.

Sa kabila nito, iginiit ni Lin na ang Sabina o Xianbin Jiao para sa China ay bahagi umano ng Nansha Qundao ng kanilang bansa at hindi ng EEZ ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --