Iginiit ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na inaani lamang ng China ang ginagawa nitong pambu-bully sa bansa matapos na magbanggaan ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy sa Bajo de Masinloc.
Iginiit ni Estrada na dahil sa nangyari ay dapat nang iwasan ng China Coast Guard ang pagsasagawa ng mapanganib na maniobra laban sa ating Philippine Coast Guard (PCG) at sa iba pang barko ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga ganitong aksyon ay walang mabuting maidudulot at hindi lamang nito inilalagay sa kapahamakan ang mga maritime personnel at mga mangingisda kundi nagpapalala rin ito ng tensyon sa rehiyon.
Pinuri rin ni Estrada ang propesyunalismo at kabayanihan ng mga tauhan ng PCG na nag-alok ng tulong at medikal sa mga sugatang tripulante ng China sa kabila ng panibagong insidente ng water cannon mula sa CCG at China Navy.
Samantala, muli namang idiniin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang patuloy na presensya at operasyon ng China Coast Guard at Chinese fishing vessels sa West Philippine Sea ay iligal at hindi otorisado.
Nagpapasalamat si Villanueva na sa gitna ng harassment ay ligtas ang mga tauhan ng PCG at patuloy ang pagpapatrolya sa ating teritoryo.