Nagbabala ang China sa mga plano ng depensa ng Pilipinas, partikular na ang pagkuha ng mga mid-range missile system tulad ng Typhon MRC mula sa Estados Unidos.

Tinawag ng China na pang-atake ang pagdeploy ng mid-range missile system sa Pilipinas kaysa sa pangdepensa ayon kay Ministry of Foreign Affairs spokesperson Mao Ning. Dagdag pa nito na ang pag-deploy ng Typhon MRC system sa Pilipinas ay nagbabanta umano sa interes ng seguridad ng Tsina at maaaring magdulot ng pagtaas ng tensyon sa rehiyon.

Hinimok niya ang Pilipinas na sundin ang kanilang mga pangako katulad ng pagiging neutral at iwasan ang mga hakbang na maaaring makasama sa interes ng Tsina.

Ang Typhon system, na kayang maglunsad ng parehong mga karaniwang nuclear warheads, ay ipinadala sa Pilipinas bilang bahagi ng mga pagsisikap ng bansa upang palakasin ang depensa nito laban sa lumalakas na presensya ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS).

Tinuturing ng Pilipinas na mahalaga ang mga sistemang ito upang maprotektahan ang soberanya nito, partikular sa exclusive economic zone (EEZ) at upang suportahan ang Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC). Ngunit tinitingnan ng Tsina ang deployment nito bilang isang probokasyon na maaaring magdulot ng arm race at makagambala sa kapayapaan ng rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ang tensyon ay nagmumula rin sa mga pag-aangkin ng Tsina sa halos buong WPS, kabilang ang mga bahagi ng EEZ ng Pilipinas sa kabila ng desisyon ng international arbitral noong 2016 na nagbasura sa mga pag-aangkin ng Tsina, patuloy itong nagsasabi na may karapatan silang sakupin ang teritoryo, kaya’t nagkakaroon ng madalas na banggaan sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Patuloy naman ang pagbibigay paalala ng Pilipinas na sundin ang international law, habang iginiit ng Tsina na baguhin ng Pilipinas ang kanilang kurso at ayusin ang mga isyu sa pamamagitan ng negosasyon.

Sa kabila ng lahat ng ito, magkaiba ang posisyon ng dalawang bansa, kung saan hinihikayat ng Tsina ang Pilipinas na i-reconsider ang estratehiya sa depensa nito, samantalang ang Pilipinas ay naninindigan na ang mga hakbang nito sa depensa ay lehitimo at nakabatay sa pambansang interes.