
Pinuna ng Chinese Embassy ang United States matapos suportahan ng US Embassy sa Maynila ang Pilipinas kaugnay ng umano’y panghihimasok ng China sa rotation and resupply o RoRe mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Ayon sa Chinese Embassy, hindi umano tama ang naging pahayag ng US at iginiit nitong ang Pilipinas ang nagsagawa ng “provocative and unlawful actions” sa lugar na tinatawag ng China na Ren’ai Reef.
Nauna rito, kinondena ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton ang mga maniobra ng China Coast Guard at People’s Liberation Army Navy, na inilarawan niyang “dangerous” at “irresponsible.”
Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines, tatlong PLAN warships at limang China Coast Guard vessels ang nakialam sa RoRe mission, dahilan para pansamantalang itigil ang operasyon dahil sa panganib sa mga tauhan at barko.
Iginiit ng China na nilabag umano ng Pilipinas ang mga napagkasunduan at ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea o DOC.
Samantala, nanawagan ang US sa China na itigil ang umano’y escalatory tactics at igalang ang freedom of navigation sa rehiyon.
Mariin namang tinanggihan ng China ang pahayag ng US at hinimok itong huwag umanong magpalala ng tensyon sa South China Sea.
Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal sa The Hague na walang legal na batayan ang claim ng China sa historic rights sa mga yamang-dagat sa loob ng nine-dash line. Hindi kinikilala ng Beijing ang naturang ruling.










