Tinawag rin ng Chinese Embassy na “squid tactics” ang naging pahayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. matapos akusahan ng kalihim ang embahada na umaakto umanong public relations firm para sa Chinese businessman na si Tony Yang, na sinasabing may-ari ng Sanjia Steel Corp. sa Misamis Oriental na sinalakay ng mga awtoridad.

Ayon kay Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng, sa halip na sagutin aniya ang mga tanong na ibinabato sa kanila, naglabas umano si Teodoro ng “baseless and sensational allegations” laban sa embahada.

Sinabi rin ng embahada na dapat igalang ni Teodoro ang rule of law at desisyon ng Department of Justice, na nagbasura sa mga kaso laban sa mga Chinese worker ng Sanjia Steel Corp. sa Misamis Oriental.

Pero iginiit ni Teodoro na tila “nagla-lawyer” na ang Chinese Embassy para kay Yang.

Nag-ugat ang maaanghang na pahayag sa pagitan ng Chinese Embassy at Defense chief kaugnay ng kaso ng mga Chinese national na naaresto sa isang manufacturing plant sa Misamis Oriental.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanyang Facebook post, sinabi ng kalihim na hindi dapat nagbibigay ng legal advice ang embahada dahil, ayon sa kanya, mga miyembro lamang ng Integrated Bar of the Philippines ang maaaring magbigay nito sa ilalim ng mga umiiral na batas.

Dagdag pa ni Teodoro, hindi lamang umano “PR” ni Tony Yang ang Chinese Embassy kundi tila abogado rin nito.

Bilang tugon, hinamon naman ng embahada si Teodoro na maglabas ng ebidensiya para suportahan ang kanyang mga alegasyon.

Giit ng Chinese Embassy na tungkulin nitong tiyaking hindi mapagbintangan o maparusahan nang walang sapat na basehan ang mga inosenteng Chinese worker.