Umalma ang China sa pagtawag ni Senador Risa Hontiveros sa China bilang “bad guest” sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Hontiveros na dapat magpakita ng respeto ang China sa Pilipinas bilang host country nito.

Sa statement na inilabas ng Chinese Embassy sa Pilipinas, inihayag nito na ang China ay nagsisilbing tulay sa pagsusulong ng pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang bansa.

Ito ay habang pinoprotektahan anila ng China ang kanilang pambansang interes at dignidad.

Pero sa oras anilang atakehin sila at gawan ng paninira,hindi mananatiling tahimik at mapagpasensya ang China.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng China na karapatan nilang ipaalam sa publiko ang katotohanan at posisyon ng bansa.

Nagpasaring pa ang Chinese Embassy na ang taong hindi nakakaunawa sa ibig sabihin ng respeto ang siyang hindi marunong magpakita ng kortesiya sa bisita at may lakas na loob na mag-label ng “bad guest”.

Una rito, iginiit ni Hontiveros ang kanyang apela sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad na kumilos sa public attack na ginawa ng Chinese embassy laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nagtatanggol sa paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea.